Welcome to Gaia! :: View User's Journal | Gaia Journals

 
 

View User's Journal

Ex Condst
All about life... life... and still more life...
HIPAN MO ANG HIMPAPAWID (In Tagalog)
H I P A N M O A N G H I M P A P A W I D



Ad astra per aspera - ad majorem Dei gloriam.

"Isang daang taon ka na, ilang buhay na ba ang nabago mo? Isang daang taon ka na, ilang pintuan na ba ang naibuksan mo?"

Sinundan ng bintana ang pagbukas ng panibagong araw sa isang silid, sa isang munting bahay na nakakubli sa lungsod ng Manila, sa isang kalyeng naninirahan sa pugad ng Malate.

Ang unti-unting pagpatak ng ulan ay sinabayan ng papalakas na hangin. Lumalakas na nga ang hangin habang hinihipan nito ang taimtim na katahimikang dati nang bumalot sa naiidlip na paligid at naglaho sa pagbagsak ng ambon at pagpasok ng naaambang bagyo.

Nagsimula na ang kanyang araw, sa iilang piraso ng pan de sal at isang baso ng gatas, binagtas niya ang haba ng San Pedro patungong Malvar patungong Pedro Gil. Kasabay sa bagsak ng kanyang mga paa ang bagsak ng nag-uunahang ulan. Unti-unti nang napapalitan ng ingay ang katahimikan. Isang payapang mundo sa galaw ng nag-uumpukang huni at pagaspas ng mga sasakyan, ng LRT sa itaas at pagsigabong ng ulan.

Natigil siya, napahinga ng makailang ulit at lumakad muli. Siya'y napatingin sa isang mag-inang basa sa lamig. Kandong ng ina ang anak, isang batang babae, sa isang sulok ng PCU, naroroon ang kanilang tahanan- ang bukas na mga pader na tinutulak at hinahampas ng masamang panahon, ang sahig na mistula'y isang tambakan ng tumutulong tubo ng tubig, nagsisilbing daan sa mga bulag na hindi man lamang nakamalay sa walang ingay na iyak ng ina't anak- basang tahanan para sa mga nasakluban ng langit at lupa.

Natigil siyang muli sa paanan ng isang matandang lalaki, ulila sa mga anak at hiwalay sa kalinga nang sinumang may puso't kaluluwa. Siya'y nakatitig sa poste ng ilaw na matagal nang namatay, tila nakikinig sa mga paparahang pintig ng puso at saliw ng kimkim na pagsisisi. Tulala. Tulala ang kanyang mga nakapikit at bulag na mga mata habang hawak ang isang plastik na basong dala'y iilang sentimong pinagpaguran. Maulan pa rin noon.

Siya'y naglakad- iniwanan ang basang mag-ina at matanda. Dala ang mangilan-ngilang gamit na naipundar sa pasisikap ng mga magulang, at sariling pinaghirapan. Siya'y pumasok sa silong ng Unibersidad ng Pilipinas-Manila, malayo sa lamig ng labas at bahang mga nadaanang kalsada.

Naroon siya- nagsisikap na maibalik sa magulang ang naipunla sa kanya. Nawa'y sa mga susunod na araw, wala na siyang makikitang mag-ina o sinumang matandang lalaking basa ng ulan sa mga kalyeng dati-rati'y nadaanan niya, na sa susunod na bukas ay magiging kahapon na lang ang "kahirapan".

Kailan pa ba iyon? Lumipas na ang sangdaang taon, lilipas din kaya ang mga susunod pa?

Ang paunang bati ng taong ito ay siya ring pagbubukas ng isa pang pahina sa Unibersidad ng Pilipinas, at sa mga Iskolar ng Bayan- ikasandaang taong bati sa mga susunod at walang katiyakang bukas. At sa kanyang muling paggising, may maihahabilin pa kaya siya sa kanyang natitigang na at unti-unting nabubulok na bayan?

Mairaraos niya kaya ang mga Juan dela Cruz na hindi makatakas sa napakahigpit na hawak ng kahirapan? Ika nga'y hindi kasalanan ng mga dukha ang pagiging eredero't eredera ng kapus-palad nilang mga magulang. Napapasa ang kahirapan bagkus hanggang ngayon, ang tanging nababaling sa kanila ay ang bulag at mga nagbubulagang mata ng lipunan, ng pamahalaan, ng mismong bayan. At sa paghihikahos, ang pag-asang maiangat ang kondisyon ng buhay ang unti-unti na ring naglalaho.

Ang pagyaman nga'y para na lamang sa sinuswerte. Ang Lotto'y nandiyan pa rin, ang tagasagip ng mga namatay at namamatay na pag-asa ng mga Pinoy.

Ang kahirapan ay naging isa nang napakakaraniwang imahe sa ating bansa at naitatak na sa isipan ng mga mamamayang Pilipino na ito'y isa na lang na bahagi ng buhay, tayo'y naging manhid na. Lahat na. Lahat na!

ANO PA BA ANG MAGAGAWA MO? ANO PA BA ANG KUWENTA MO?

"Ang kabataan ang siyang pag-asa ng bayan," sa isang luma't gamit na gamit na panukalang ito (na umugat sa kawalang pag-asang siya na ring ibinaling sa kabataan) makikita ang dati nang adhikaing kahit ngayo'y hindi pa rin nakakamit.

At sa isang estyudyanteng itong ang tanging pag-asang makapagtapos ay kabutihang-palad ng ibang tao, sa isang Iskolar ng Bayan na namulat na sa parehong imahe- ang salamin ng kahirapan, ang larawan ng paghihikahos- isang kagalakang maidala ang pamilya sa sosyodad ng mga "may pera" at mapabilang sa iilang mga mayayaman.

Ngunit sa mithiin ding ito, unti-unting nalalason ang isipan, isang makasariling mithiing sa huli'y magiging sanhi ng paghihirap ng nakararami. Ang mithiing lumuwas ng ibang bansa upang manilbihan sa mga dayuhan para sa mas mataas na sahod. Ang mithiing tuldukan ang paghihirap, sinuman ang matapakan. Ang pansariling adhikain ng mga bulag at bingi. Siya nga rin ba ang adhikain ng mga Iskolar ng Bayan?

Tanungin mo ang sinumang nars, ni mula man sa UP o sa liblib na kolehiyo sa probinsya. Tanungin mo siya kung may plano siyang lumuwa ng ibang bansa, at tiyak na tiyak na kakarampot lamang ang walang planong "maglayas". Hindi sila masisisi ninuman sapagkat iyan ang namulatan nilang ideyolohiya. Ikaw, may plano ka rin ba?

Nawa'y ang pagbabago'y magsimula sa'yo. Ikaw ay maninilbihan sa sarili mong bansa, uunahin mo ang iyong mga kapwang nangangailangan ng tulong mo. Ikaw ay isang taga-UP. Ikaw ang pag-asa ng 13.4 milyong mahihirap na Pilipino. Ikaw, taga-UP, tatapos ka. Isa ka sa anim na makakapagtapos sa sangdaang batang nagtiyangang mag-aral kasama mo. Kung ang kabataan nga ang pag-asa ng bayan, ang mga taga-UP ang pag-asa ng Pilipinas, ng buong mundo.

Sapagkat UP ka, ika'y nabigyan ng tungkuling baguhin ang mundo para sa nakabubuti. Sa iyong mga kamay, uusbong ang susunod na mga pangulo, mga obispo't kardinal, mga guro, mga abogado, mga mamamayang susuklian ang ipinundar sa kanila ng taong-bayan. Ito ay iyong tadhana na siya ring kailangan mong gampanan.

Hindi ka bingi. Hindi ka rin bulag. Mangingibangbansa ka nga ngunit dadalhin mo ang diwa ng pagka-Pilipino, ipagmamalaki mo sa isang mundo ang iyong lahi. Lalampasan mo pa si Pacquiao. Ikaw ay magsisilbing regalo ng Diyos sa mundo. Sana nga'y magampanan mo ang mahalagang tungkuling ito. Buksan mo nawa nang tuluyan ang iyong tainga't mga mata, pakinggan mo ang mga kanilang kahilingan at masdan mo ang mga umaabot na kamay na nangangailangan sa iyo.

Binigyan ka Niya ng matatayuan, itinayo ka Niya sa ningning at kadakilaan ng iyong UP'ng iyong tahanan, ngayon ay ibalik mo sa mga magulang mo ang kanilang isinakripisyong pawis, bukas ay baguhin mo ang mundo.

Magtapos ka. Magtiyaga ka. Magtiwala ka sa Panginoon. Ang Pilipinas ay naghihintay sa'yo! Ang buong mundo'y naghihintay sa'yo!

Nagdaan na ang ilang taon, nagdaan na ang mga dekada. Sa naglakad na iyon, minsan na niyang naiwanan ang mag-ina't matanda. Dala ang mangilan-ngilang gamit na naipundar sa sariling pagsisikap sa tulong ng mga magulang, maraming tao, ng Diyos at nang naiwang unibersidad, siya'y papasok muli sa silong ng Unibersidad ng Pilipinas-Manila, bilang Pangulo ng Pilipinas.

At sa kanyang paninilbihan, siya ring naging isang "First World Country" ang Perlas ng Silangan. Siya, ang ating Inang Baya'y naghihintay lamang sa'yo.

Itayo mo ang bandera ng UP. Itayo mo ang ating lipunan. Hipan mo ang himpapawid at abutin ang kalangitan. Kasihan ka nawa ng Poong Maykapal.



42
30



 
 
Manage Your Items
Other Stuff
Get GCash
Offers
Get Items
More Items
Where Everyone Hangs Out
Other Community Areas
Virtual Spaces
Fun Stuff
Gaia's Games
Mini-Games
Play with GCash
Play with Platinum